Noong Oktubre 7, 2025, opisyal na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu ang kauna-unahang sea ambulance sa lalawigan—isang makasaysayang hakbang na layong maghatid ng mas mabilis at mas madaling serbisyong medikal sa mga Cebuano na naninirahan sa malalayong isla.
Ayon kay Gobernador Pam Baricuatro, ang proyektong ito ay katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pagpapatupad ng mas inklusibo at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa lahat. “This initiative symbolizes our effort to ensure that no Cebuano is left behind—in aid, in safety, and in life,” diin ni Baricuatro. Binanggit niya na ang sea ambulance ay magbibigay ng agarang tulong medikal sa mga liblib na pulo kung saan limitado ang access sa ospital o klinika.
Bukod sa sea ambulance, nagbigay rin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng dalawang bangkang pangisda sa lalawigan, partikular sa Lungsod ng Danao at Medellin. Layunin nito ang pagpalakas ng lokal na industriya ng pangingisda at pagbibigay suporta sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na ang bawat Cebuano—mapa-sa lungsod man o isla—ay may pantay na oportunidad na makatanggap ng agarang serbisyong medikal at suportang pangkabuhayan. Ang sea ambulance ay hindi lamang simbolo ng teknolohikal na pag-unlad kundi pati na rin ng malasakit at pagkakaisa para sa kapakanan ng bawat mamamayan.
