MANDAUE CITY — Apat na distrito mula sa mga pribado at pampublikong paaralan ng Mandaue City ang nagtipon upang magtagisan ng galing sa Division Schools Press Conference (DSPC), na opisyal na binuksan kahapon, Disyembre 3, sa Basak Elementary School (BES), na pinangunahan ng South District.
Mahigit 1,106 na batang mamamahayag mula elementarya at sekondarya ang nagpakitang-gilas sa mga paligsahan tulad ng indibidwal na pagsulat, radio script writing at broadcasting, collaborative desktop, at online publishing.
Ang programa ay nagsimula noong umaga ng Miyerkules sa pamumuno ni Mrs. Maria Corazon M. Yosores, punong-guro ng BES, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pamamahayag at kung bakit kailangang pag-aralan at sanayin ang mga kabataan sa larangang ito.
Matapos ang pagbubukas ng programa ay agad na sinimulan ang paligsahan para sa indibidwal at inspeksyon ng mga gamit. Kasunod nito, isinagawa sa iba’t ibang paaralan ang natitirang mga kompetisyon tulad ng Radio Script Writing na ginanap sa Basak Elementary School, habang ang TV Scriptwriting & Broadcasting naman ay isinagawa sa Cabancalan I Elementary School. Ang Collaborative Desktop at Online Publishing ay idinaos sa Jagobiao Elementary School (JES), partikular sa conference hall, noong ikalawang araw ng DSPC.
Nagdulot ng mas makabuluhang pagdiriwang ang tema ng taon na “Empowering Filipino Youth: Unleashing Potentials in Journalism and Creative Industries in the Era of Artificial Intelligence (AI)”, na pinagtitibay ang kahalagahan ng kakayahan at pagkamalikhain ng kabataang mamamahayag sa makabagong panahon.
Sa pagtatapos ng paligsahan, inaasahan ang paggawad ng mga parangal sa mga nagwagi at pagkilala sa mga campus journalist na magpapatuloy sa Regional Schools Press Conference 2025 na gaganapin sa Danao, Cebu.