MATAGAL nang iniisip ng maraming gumagamit ng Artificial Intelligence (AI) na halos wala namang epekto sa kapaligiran ang simpleng pagpapadala ng mensahe sa ChatGPT. Para bang isa lang itong digital na kausap na hindi naman kumokonsumo ng enerhiya tulad ng mga pabrika o sasakyan. Ngunit ipinapakita ng mga bagong pagsusuri n̈g mga eksperto na hindi ganoon kasimple ang sitwasyon. Habang patuloy na dumarami ang gumagamit ng AI, mas mataas pala sa inaasahan ang carbon emissions nito.
Sa unang datos, tinatayang umaabot sa 8.4 tonelada ng CO₂ ang inilalabas ng ChatGPTh bawat taon, na mas mataas kaysa sa karaniwang taunang emission ng isang tao. Ngunit ang tantiya na ito ay nakabatay sa maling assumption na 16 GPU lamang ang nagpapatakbo ng sistema. Ayon sa mas bagong ulat ng mga siyentipiko, umaabot sa higit 30,000 GPU ang aktwal na ginagamit, kaya mas malaki ang tunay na environmental impact nito (Wong, 2024).
May mga pagtataya rin na ang tubig na ginagamit para sanayin ang ChatGPT ay katumbas ng konsumo sa paggawa ng 370 BMW o 320 Tesla. May mga babala rin mula sa ilang eksperto na pagsapit ng 2027, maaaring umabot ang konsumo ng kuryente nito sa antas ng kabuuang paggamit ng kuryente ng ilang bansa tulad ng Sweden, Argentina, o Netherlands (SMQ, 2024) Batay sa kalkulasyon gamit ang CO₂ emissions calculator, tinatayang 4.32 gramo ng CO₂ ang nalilikha sa bawat mensaheng ipinapadala ng isang gumagamit. Maaaring maliit itong halaga kung titingnan nang paisa-isang mensahe, ngunit mabilis itong lumalaki habang tumataas ang dami ng gumagamit ng serbisyo.
Ayon sa pagsusuri, narito ang katumbas ng CO₂ emissions bawat bilang ng query:
• 15 query ay katumbas ng panonood ng isang oras ng video
• 16 query ay katumbas ng pagpapakulo ng isang kettle
• 20 hanggang 50 query ay katumbas ng pag-inom ng 500ml na tubig
• 139 query ay katumbas ng isang load ng paglalaba na nilabhan at pinatuyo sa sampayan
• 92,593 query ay katumbas ng isang round-trip flight mula San Francisco hanggang Seattle
Kung isasaalang-alang na may humigit-kumulang 50 milyon na unique visits bawat araw noong Hulyo, mabilis na tumataas ang kabuuang bilang ng query. Kapag gumamit ang bawat bisita ng tig-10 query, maaaring umabot ito sa 15 trilyong query bawat buwan. Dahil dito, tumataas din nang napakabilis ang kabuuang carbon footprint ng paggamit ng ChatGPT.
Sa kabila ng mataas na carbon output, may mga hakbang ang OpenAI para mabawasan ang epekto nito sa kapaligiran. Gumagamit ang kanilang kumpanya ng carbon-neutral na Azure at pinili ang A100 GPU dahil limang beses itong mas energy efficient kumpara sa karaniwang CPU systems. May plano rin silang bumuo ng mas energy-efficient na chips at patuloy na i-optimize ang kanilang AI systems.
Lumilinaw dito na habang mabilis ang pag-usbong ng teknolohiya at dumarami ang gumagamit, hindi maiiwasan ang epekto nito sa ating kapaligiran. Ngunit kung patuloy ang paggamit ng AI sa ganitong bilis, hanggang kailan kaya natin mapapanatili ang ginhawa ng kalikasan ng malinis? Ito ba ang panahon na kailangan nating magdesisyon, o hahayaan na lang ba natin na lumaki ang epekto nito sa sumusunod na henerasyon?