Mula sa ilalim ng malamlam ngunit mapayapang liwanag ng umagang sumisilip sa bulwagan, maririnig ang bahagyang paglanghap ng mga kabataang mamamahayag habang mahigpit nilang hinahawakan ang papel ng kanilang panata. Ang hangin ay tila humahaplos sa bawat mukha, wari’y nakikiramay sa bigat at saya ng sandaling magtutulak sa kanila ng pasulong. Sa gitna ng katahimikan, naroon ang tensyon at pag-asa na isang halo ng kaba at tapang mula sa mga pusong handang magsalita para sa katotohanan.
Dumadagundong ang bulwagan hindi sa ingay, kundi sa presensiya ng kabataang may baong adhikain at ito’y ang maging tinig ng bayan. Habang sila’y nakahanay, dama ang tibok ng bawat pulsong mabilis pero tiyak, tulad ng mga salitang matagal nang nais maiparating. Hindi lamang ito paghahanda para sa DSPC dahil ito’y ritwal ng pagkilala sa tungkulin, isang paalala na sa bawat artikulo, larawan, at balitang kanilang ihahain ay may bitbit na responsibilidad .
Sa pagtaas ng kanilang kanang kamay, pumailanlang ang panatang matagal nang bumubulong sa kanilang loob. Pangakong hindi yumuko sa impluwensiya, hindi magpadala sa takot, at hindi tatalikod sa katotohanan kahit gaano ito kabigat dalhin. Sa sandaling iyon, nagkakatugma ang bawat tinig na ang pangarap na maging bahagi ng pagbabago at gabay sa kapwa kabataan at komunidad.
At matapos ang panunumpa, bumalik sa kanilang mga mata ang ningning na hindi kayang pantayan ng anumang tropeo. Sapagkat ang tunay na parangal ay hindi lamang ang panalo sa kompetisyon, kundi ang paninindigang gampanan ang tungkulin ng isang mamamahayag. Sila ang mga boses ng bukas, at ang kanilang panata ang unang hakbang tungo sa hinahangad nilang mas makabuluhang kinabukasan.