Sa bawat bagyo at pagbaha, may mga tahimik na bayani na laging handang tumulong sa atin, at ito’y mga pampublikong paaralan. Hindi lamang sila sentro ng kaalaman at pagkatuto, kundi tahanan rin ng kaligtasan para sa mga nasalanta ng sakuna, mapa lindol man o bagyo.
Kamakailan, nang tumama ang malakas na Bagyong Tino sa Visayas at Mindanao, higit sa 3,400 pampublikong paaralan ang naapektuhan, na nagdulot ng pagkaantala sa pag-aaral ng mahigit 1.9 milyong mag-aaral at 79,000 guro at kawani. Sa gitna ng pinsalang dulot ng malakas na ulan, hangin, at pagbaha, mahigit 400 paaralan ang ginawang pansamantalang kanlungan para sa libu-libong pamilyang nawalan ng tirahan. Sa Gen. Vicente Lim Elementary School sa Cebu at Pana-olan Elementary School sa Negros Occidental, ang mga silid-aralan, gymnasium, at bulwagan ay naging sandigan ng seguridad, habang ang mga guro at kawani ay walang pagod na namahagi ng pagkain, tubig, at pangunang lunas.
Ang sakripisyong ito ay patunay ng kabayanihan ng mga paaralan. Sa halip na isara lang ang kanilang pinto para sa klase, binuksan nila ang pinto para sa libo-libong buhay na mga Pilipino. Ngunit sa kabila nito ay may mga kaakibat na epekto tulad ng pagkasira ng mga pasilidad, pinsala sa mga silid-aralan, at pagkaantala ng edukasyon. Ayon sa DepEd, mahigit 2,150 classrooms ang bahagyang nasira, 806 ang malubhang nasira, at 391 ang tuluyang nawasak.
Ang ganitong kalagayan ay malinaw na nagpapakita ng pangangailangan para sa dedikadong evacuation centers. Ang mga ito ay maaaring idisenyo upang makatiis sa malalakas na bagyo at lindol, may sapat na pasilidad tulad ng palikuran, kuwarto, kusina, at medikal na lugar, at mailagay sa ligtas na lokasyon para sa mabilis na access ng komunidad. Bagamat may malaking puhunan ang kinakailangan sa konstruksyon, makakatipid sa katagalan dahil mababawasan ang pinsala sa paaralan at hindi maaantala ang edukasyon.
Hanggang sa makapagtayo ang pamahalaan ng sapat na evacuation centers sa bawat barangay, mananatiling bayani ang mga paaralan na tahimik, matatag, at laging handa. Sa kanilang mga silid-aralan, hindi lamang kaalaman ang itinataas, kundi buhay at pag-asa rin. Sapagkat ang ating paaralan ay higit pa sa eskuwelahan. Ito ay bayani sa oras ng mga sakuna ng ating mamamayan.