Sa bawat sulok ng Pilipinas, kilala ang mga Pilipino sa kanilang hindi matinag na katatagan at ang kakayahang bumangon sa kabila ng unos at pagsubok. Ngunit sa nakalipas na mga buwan at araw, higit na tumingkad ang katangiang ito sa mga Cebuano, na muling humarap sa sunod-sunod na trahedya, mga natural na kalamidad, sakunang pangkapaligiran, at mga hamong pangkabuhayan. Sa halip na panghinaan ng loob, mas pinatunayan nila ang tatag at tibay ng kanilang kalooban.
Tuwing may sakuna, una at agad na sumisilay ang diwa ng bayanihan. Sa Cebu, makikita ang mga komunidad na nagtutulungan, ang mga kapitbahay na nagsasalo ng pagkain, kabataang nagboboluntaryo upang mamahagi ng relief goods, at mga pamilyang nagbibigay ng silong sa mga nawalan ng tahanan. Hindi bago para sa mga mamayan ang pagdaosdus ng mga trahedya. Para sa mga Cebuano, ang bayanihan ay hindi lamang isang konsepto, kundi isang pamumuhay at tradisyong patuloy na isinasabuhay.
Walang bagyo o trahedya ang kayang tumigil sa likas na katatagan ng mga Cebuano. Sa mga lugar na napinsala, makikita ang pagkamalikhain nilang gumawa ng pansamantalang tirahan mula sa sira-sirang kahoy at yero, paggamit ng alternatibong pinagkukunan ng tubig at pagkain, at pag-aayos ng mga kabuhayan gamit ang limitadong kagamitan.
Sa gitna ng patuloy na pagbabago ng panahon at kapaligiran, pinamalas ng mga Cebuano ang mataas na antas ng kakayahang magbago. Ang mabilis na pag-angkop sa bagong kondisyon na mula sa pagsasaayos ng mga tahanan at kabuhayan hanggang sa pag-aaral ng bagong hanapbuhay. Ito ay nagpatunay na hindi sila basta-basta natitinag. Ang kanilang kakayahang mag-adjust sa biglaang pagbabago ay nagbibigay ng pag-asa sa mas mabilis na pagbangon ng lalawigan.
Hindi rin maikakaila na naging malaking tulong ang pagdating ng suporta mula sa pamahalaan, pribadong sektor, at iba’t ibang organisasyon. Relief operations, medical missions, mga food at hygiene packs, pati na rin psychological support ang nagpatibay sa mga pamayanan. Sa kabila nito, kapansin-pansin na kahit nakatanggap ng tulong, ang mga Cebuano ay nananatiling mapagpakumbaba at madalas pa ngang tumulong sa kapwa nila nangangailangan.
Kahit na anuman ang ibato ng tadhana sa mga Pilipino, patuloy na mananalantay ang puso ng bayanihan at pagkakaisa, dahil sa huli, iisa lamang ang hangarin ng mga Pilipino: ang mabuhay at bumangon sa anumang problemang ibigay ng buhay.