MANDAUE CITY, Philippines — Tatlong set lang ang kinailangan ni Kharell Barbadillo upang tuluyang sinupalpal at pinatikim ng matinding pagkabigo ang first-time ping pong player na si Dorothy Capuyan sa isang dominanteng 3-0 sweep sa ginanap na laban sa Labogon National High School (JNHS) Gym nitong ika-4 ng Disyembre ng Huwebes.
Mistulang bagyong dumating si Barbadillo matapos tambakan si Capuyan sa iskor na 11-02, 11-00, at 11-02, na para bang walang puwang ang baguhan para makahinga sa bawat rally.
Hindi nagpatumpik si Barbadillo, agad ipinakita ang kanyang kargadong serves at mabilisang forehand attacks, dahilan upang tuluyang mabasag ang depensa ni Capuyan na ngayon pa lamang sumasabak sa kompetisyon.
Sa unang set (11-02), hirap na hirap si Capuyan sundan ang bilis ng laro. Ngunit mas lalo pang umarangkada si Barbadillo sa ikalawang set (11-00) kung saan hindi nakapuntos si Capuyan. Sa ikatlong set (11-02), tuluyang sinelyuhan ni Barbadillo ang panalo, nagpapatunay ng kanyang matatag na kontrol at pangingibabaw mula simula hanggang wakas.
Pero sa kabila ng pagkatalo, kapansin-pansin ang tapang at determinasyong ipinakita ni Capuyan bilang unang beses niyang sumabak sa ganitong kompetisyon. Pinuri rin siya ng ilang manonood dahil hindi siya umatras sa mas mabilis at mas sanay na kalaban.
Samantala, parehong patuloy na naghahanda sina Barbadillo at Capuyan para sa susunod na taong District Meet, kung saan sila ang magiging kinatawan ng JNHS sa girls’ doubles match. Ayon kay Barbadillo, araw-araw na silang magsasanay upang lalo pang mapahusay ang kanilang pagkakaisa, galaw sa court at pagiging palagian sa bawat palo habang naghahanda para sa mga susunod na laban at mas malalaking hamon.