Nakakapagod na ang lumang tugtugin; baha dito, baha doon tapos proyekto na naman ang sagot. Ilang dekada na tayong binabaha, pero hanggang ngayon, parang mas mabilis pang umangat ang tubig kaysa ang kalidad ng ating flood-control systems. At bakit? Dahil sa halip na solusyon, kontrobersiya ang mas madalas na umaapaw.
Lahat ng administrasyon ay may pangako katulad nalang ng dike, pumping station, dam, drainage upgrade, mga paulit-ulit na listahan. Pero kung epektibo ang lahat ng ito, hindi na sana natin tinatanggap ang baha bilang normal na bahagi ng buhay ng pagiging Pilipino. Ang mas masakit, bilyon-bilyon ang inilalabas para sa mga proyektong ito, pero napupunta ba sa tama? O nalunod na sa katiwalian?
Hindi rin biro ang mga pinsalang pangkalikasan na dala ng ilang proyekto. May mga ilog na pinipilit i-rechannel, mga kagubatan at tirahan ng hayop na nasalanta dahil sa konstruksyon. At ang mga komunidad na sapilitang pinalilikas? Lagi silang nasa huling listahan, tila hindi bahagi ng pag-unlad na ipinagmamalaki.
Oo, may mga progreso, may modernong early warning systems at mas aktibong partisipasyon ng mga mamamayan. Pero aminin natin: sapat ba iyon para takpan ang mga sablay? Hindi. Dahil kahit moderno ang teknolohiya, kung sira ang pamamahala, babalik at babalik pa rin tayo sa parehong problema.
At habang pinagtatalunan pa kung sino ang may kasalanan, tuloy ang paglala ng sitwasyon. Ang climate change ay hindi naghihintay. Ang urbanisasyon ay wala ring preno. Paano magiging epektibo ang flood control kung sira ang plano, kulang ang maintenance, at puno ng pulitika?
Kung tutuusin, hindi naman imposible ang tunay na pagbabago. Pero kailangan natin ng flood-control policies na may integridad, hindi na madaling bahain ng interes. Kailangan ng proyekto na hindi lamang nakatutok sa konstruksyon, kundi sa kabuuang pangangailangan ng watershed, komunidad, at kalikasan.
Kung patuloy tayong magbubulag-bulagan sa mga butas ng sistema, huwag na tayong magtaka kung bakit tayo lumulubog, hindi lang sa baha, kundi sa sarili nating kapabayaan.